Ang
Pagtatamo at Pagkatuto ng Wika (W1 at W2): Mga Teorya at
Praktika
INTRODUKSYON
Sa kabanatang ito, malalaman natin
kung anu-ano ang iyong mga pananalig at paniniwala sa mabisang pagtuturo ng
wika. Nariyan ang sosyolohikal, motibasyon, pokus sa mag-aaral, mga batayang
teorya at simulain kung saan mas mapag-aaralan at maiintidihan kung anu nga ba
ito. Narito rin ang pag-aaral ukol sa istruktural na pagtuturo, komunikatibong
pagtuturo, whole language approach, at
ang content-based instruction. Halina’t
tuklasin ang mga ito.
MGA
DULOG TEORETIKAL SA PAGTATAMO AT PAGKATUTO WIKA
Mahaba-habang panahon na ang
inilaan ng maraming pantas sa larangan ng pag-aaral ng wika upang maipaliwanag
kung paano natutuhan ang wika. Ngunit totoong mailap ang ang mga kasagutan
ditto. Upang maliwanagan tayo kahit kaunti, marapat sigurong alamin natin kung
anu-ano na ang pinaniniwalaan ng marami mula noon hanggang ngayon… ang
pagtatamo at pagkatuto ng wika, misteryosoat may mahika ng aba?
Sa katunayan, may dalawang
klasipikasyon ang mga salita ayon sa mga sinaunang pilosopong Griyego: Una- iyong tumitiyak sa kilos na
isinasagawa sa isang pangungusap; at ang Ikalawa-
ang tao o bagay na nagsasagawa ng kilos. Si Dionysius Thrax, isang Griyego,
ay tumutukoy ng walong iba’t ibang klasipikasyon ng mga salita. Dahil dito, ang
kanyang aklat na The Art of Grammar ay sumikat at ginawang modelo sa pag-aaral
ng mga balarilang Latin at Griyego.
ANG
PRESCRIPTIVE GRAMMAR
Bukambibig ng marami noong panahong
iyon ang balarilang Latin sa mga pag-aaral ng Wika. Noong unang ituro ang
Filipino sa ating mga paaralang bayan, nakaangkla ito sa balarila ng wikang
Ingles. Sa kayarian at istruktura ng Ingles ibinatay ang anumang pagpapaliwanag
hinggil sa wikang Filipino. Kaya ang paniniwala noong una, kung ano ang ayos ng
pangungusap sa Ingles ay ganoon din sa Filipino.
Ang mga pananalig at mga
paniniwalang binanggit hinggil sa pagkatuto ng wika ay naglundo sa metodong grammar-translation sa pagtuturo ng
wika. Sa metodong ito, ang mga mag-aaral ay nagmememorya ng mahabang talaan ng
mga talasalitaan, mga anyo ng pandiwa at mga pangngalan.
ANG
DESCRIPTIVE LINGUISTIC
Sinuri ng mga naunang Linggwist ang
mga yunit ng tunog ng wika, kung paano nabuo ang mga ito, at nailarawan din
nila ang istruktura ng mga pangungusap. Nakabuo sila ng isang metodo sa
pagtukoy ng mga tunog ng wika, ng pagsusuri at pagtukoy ng mga morpemang
bumubuo ng isang salita, at ng pagsusuri ng mg anyo ng pangungusap.
Sumibol nang panahong ito ang
pagbabalangkas o dayagramming bilang gamiting paraang pedagohikal sa
paglalarawan ng wika. Isang mahalagang tungkulin ng guro ng wika noon ang
kaalaman sa istruktura ng una at ikalawang wika upang maipalaiwanag ang target
na (W2) sa tulong ng kaalaman sa kayarian ng unang wika.
ANG
TEORYANG BEHAVIORISM: PAKINGGAN AT ULITIN
Bagama’t hindi tuwirang teoryang
linggwistik ang behaviorism, malaki
ang nagging impluwensya nito bilang teorya sa pagkatuto ng una at pangalawang
wika.
Ipinahahayag ng teoryang behaviorism na ang mga bata ay ipinanganak na may kakayahan sa
pagkatuto at ang kanilang kilos at gawi ay maaaring hubugin sa pamamagitan ng
pagkokontrol ng kanilang kapaligiran. Ang kakayahang intelektwal ng mga bata ay
mapapayaman at mapapaunlad sa tulong ng mga angkop na pagpapatibay rito.
Binigyang-diin ni Skinner (1968), isang pangunahing behaviorist, na kailangang “alagaan” ang pag-unlad na intelektwal
sa pamamagitan ng pagganyak at pagbibigay-sigla at pagpapatibay sa anumang
mabuting kilos o gawi. Ayon sa mga behaviorist,
ang pagkatuto ng wika ay bunga ng panggagaya, paulit-ulit na pagsasanay
hanggang sa mamaster ang tamang anyo nito, at positibong pidbak.
May paniniwala rin si Skinner na maaaring maisagawa ng
bata ang anumang Gawain kung tuturuan at bibigyan siya ng tamang direksyon.
Halimbawa, posibleng pagkaanak pa lamang ay maaaring hubugin na ng mga magulang
ang kanilang anak para maging isang doctor o isang abugado. Ang mga gurong
umaayon sa paniniwalang ito ni Skinner ay palaging kariringgan ng mga papuring
“Magaling.” “Tama ang sagot mo.” Kahanga-hanga ka.” “Sige, ipagpatuloy mo.”
Ang teoryang behaviorism
sa pagkatuto ay nagbibigay sa mga guro ng set ng mga simulain at mga pamaraang
madaling isagawa sa pagtuturo. Ang Audio-Lingual
Method (ALM) na nagging popular noong mga taong 1950 at 1960 ay ibinatay sa
teoryang behaviorism. Ang mga
pangunahing katangian ng ALM ay inilahad sa ibaba.
·
Binibigyang-diin ang mga
kasanayang pakikinig at pagsasalita;
·
Binibigyang-diin ang
pag-uulit at mga dril;
·
Paggamit lamang ng target na
wika;
·
Kagyat na
gantimpala/pagpapatibay sa bawat tamang sagot;
·
Kagyat na pagwawasto ng
kamalian; at
·
Ang pagtuturo at pagkatuto
ay nakatuon sa guro
TEORYANG
INNATISM: NASA ISIPAN LAHAT IYAN
Ang teoryang innatism sa pagkatuto ay nakabatay sa paniniwalang ng bata ay
ipinanganak na may “likas na talino” sa pagkatuto ng wika. Ipinaliwanag ni
Chomsky (1975,1965) na ang kakayahan sa wika ay kasama na pagkaanak at likas
itong nalilinang habang ang mga bata ay nakikipag-interaksyon sa kanyang
kapaligiran.
Ayon pa rin kay Chomsky, ang mga
bata ay biologically programmed para
sa pagkatuto ng wika at ang wikang ito ay nalilinang katulad nang kung paano
nalilinang ang iba pang tungkuling biyolohikal ng tao. Halimbawa, pagdating ng
bata sa takdang gulang, nagagawa niya ang paglalakad lalo na kung nabibigyan ng
tamang nutrisyon bukod pa sa Malaya siyang nakakakilos at nakakagalaw.
Tinukoy ni Chomsky ang espesyal na
abilidad na ito na Language Acquisition
Device (LAD). Ang aparatong ito ay karaniwang inilalarawan bilang isang
likhang isip na ‘black box’ na
matatagpuan sa isang sulok ng ating utak. Sa kasalukuyan, inilaglag na ni
Chomsky at ng kanyang mga kapanalig ang terminong LAD; sa halip, Universal
Grammar (UG) na ang tawag nila sa aparatong pang-isipan na taglay ng lahat ng
mga bata pagsilang (Chomsky, 1981; Cook, 1988; White, 1989).
TEORYANG
COGNITIVE
Ayon sa pananaw ng teoryang
cognitive, ang pagkatuto ng wika ay isang prosesong dinamiko kung saan ang
nag-aaral ng wika ay palaging nangangailangang mag-isip at gawing may saysay o
makabuluhan ang bagong tanggap na impormayon, alamin ang pumapailalim sa tuntunin,
at mailapat ang mga ito upang makabuo ng orihinal na pangungusap. Ayon sa mga
cognitivist, ang pagkakamali ay isang palatandaan ng pagkatuto at
eksperimentasyon at hindi ito kagyat at tuwirang iwinawasto.
Nakapokus ito sa pagtuklas na
pagkatuto sa pamamagitan ng mga dulog na pasaklaw at pabuod. Sa dulog na pabuod, ginagabayan ng guro
ang pagkatuto sa pamamagitan ng ilang tiyak na halimbawa at ipasusuri niya ang
mga ito upang makatukalas sila ng isang paglalahat. Ang dulog na pasaklaw na kabaligtaran ng dulog na pabuod. Kung ang
dulog na pabuod ay nagsisimula sa mga halimbawa patungo sa paglalahat o
pagbubuo ng tuntunin; ang dulog na pasaklaw naman ay nagsisismula sa paglalahad
ng tuntunin patungo sa pagbibigay ng mga halimbawa. Ang teoryang cognitiveay palaging nakapokus sa
kaisipang ang mga impormasyong ito’y maiuugnay ng mga mag-aaral sa kanilang
umiiral na istrukturang pangkaisipan at sa kanilang dating kaalaman.
Ang teoryang cognitive at teoryang innatism
ay magkatulad sa maraming aspekto. Parehong pinanghahawakan ng mga teoryang ito
na ang mga tao ay ipinanganak na may likas na kakayahan upang matutuhan ang
isang wika (page at pinnel, 1979). Pinaniniwalaan ng mga innativist na hindi
kailangang suportahan ang bata sa pagtatamo ng wika dahil likas niya itong
matututuhan. Samantalang sa kampo ng mga cognitivist, kailangan ang pagtuturo
at mga kaligiran sa pagkatuto na magpapabilis sa pagkatuto ng wika.
TEORYANG
MAKATAO
Ang teoryang makatao sa pagkatuto ay
nagbibigay-diin sa kahalagahan ng mga salik na pandamdamin at emosyunal.
Tungkulin ng guro na maglaan at lumikha ng isang kaaya-ayang kaligiran sa
klasrum at isang pagkaklaseng walang pananakot kung saan maginhawa ang
pakiramdam ng bawat mag-aaral at malaya nilang nagagamit at nasusuri ang bagong
wikang natutuhan.
Ilan sa mga metodo sa pagtuturo ng
wika na may kaugnayan sa makataong tradisyon ay ang sumusunod: Community Language Learning ni Curran;
ang Silent Way ni Gattegno at ang Suggestopedia ni Lazonov.
MGA
NAPAPANAHONG TEORYA SA PAGTATAMO AT PAGKATUTO NG WIKA
Ang umiiral na pananalig na
natutuhan ang wika sa pamamagitan ng palagiang paglalaan ng mga input na berbal
at may katugong pagpapatibay (reinforcement)
ay malinaw na ipinahayag sa aklat ni B.F Skinner na VerbalBehavior (1957). Samantala, noong 1959, sa isang matinding
rebyuna isinagawa ni Chomsky sa aklat ni Skinner, pinanindigan niya na kung ang
wika ay matututuhan lamang sa pamamagitan ng pagpaptibay, magiging mahirap para
sa isang taal na tagapagsalita ng wika (W1) ang pag-unawa sa mga pangungusap na
hindi pa niya naririnig. Idinagdag pa rin ni Chomsky na hindi lamang sa mga
proseso ng pagmememorya at pag-uulit natutuhan ang wika.
Ang ating isipan ay may taglay na
isang aktibong prosesor ng wika, ang Language
Acquisition Device (LAD), na nakalilikha ng mga tuntunin sa pamamagitan ng
walang-kamalayang pagtatamo ng pansariling pagbabalarila. May tatlong
pangunahing ideya ang nakaimpluwensya sa pagtuturo at pagkatuto ng wika sa
kasalukuyan.
·
Una,
ang paglipat sa isang paradigmang kognitib na nagsasabi ng pangunguna ng
pagkatuto bago pa man ang pagtuturo nito.
·
Ikalawa, naisasaalang-alang
nang lubos ang proseso ng pagtuturo/pagkatuto kung ito ay katugma (compatible) ng mga prosesong likas na
nagaganap sa ating utak.
·
Ikatlo,
ang integrasyon ng mga kaalaman ay isang mahalagang kaisipang kontemporaryo na
may kaisahan sa mga layunin ng lahat ng mga lawak pangnilalaman at pagsanib ng
pagtuturo ng pagsulat, pagsasalita, pakikinig, pag-iisip, at ang pagkilos ay
isang nangungunang simulain sa kasalukuyang kaisipan tungkol sa pagkatuto ng
wika.
ANG
BALARILANG TRANSPORMASYONAL (TRANSFORMATIONAL GRAMMAR)
Anng mga mambabalarilang
transpormasyonal gaya ni Chomsky ay nananalig na ang isang wika ay may taglay
na set ng mga tuntunin na walang malay na nalalamman at nagagamit ng isang tao
sa kanyang pang-araw araw na pakikipagtalastasan. Tunguhin ng balarilang
transpormasyonal na maipaliwanag at mailarawan ang likas na mga tuntuning ito
ng wika.
Bagama’t hindi nagging modelo ang
paradigmang ito sa pagtuturo ng wika perse,
malaki ang naiambag nito sa monitormodel
ni Krashen.
MONITOR
MODEL NI KRASHEN
May iminungkahing teorya bsi Krashen
(1981b, 1982) hinggil sa pagtatamo ng pangalawang wika (W2) na nagging batayan
ng isang balangkas para sa pag-unawa ng mga proseso kung paano natutuhan ang
pangalawang wika. May limang haypoteses na nakapaloob sa teoryang ito ni
Krashen: ang acquisition learning
hypothesis, na nagpapakita ng kaibahan ng pagtatamo (na patungo sa katatasan)
sa pagkatuto (na sangkot ang kaalaman sa mga tuntuning pangwika); ang natural order hypothesis, nagpapahayag
na ang mga tuntuning pangwika ay natatamo sa isang mahuhulaang
pagkakasunod-sunod; ang monitor
hypothesis, na nagpapalagay na may isang paraan ng pag-iisip para sa pagtatamo ng katatasan; ang input hypothesis, nagpapahayag din na
ang unawa sa mga mensahe; at ang affective
filter hypothesis, na nagpapaliwanag hinggil sa mga sagabal na pang-isipan
at pandamdamin para sa ganap na pagtatamo ng wika.
Bagama’t marami ring pagtuligsa ang
ibinato sa monitor model, nakapaglaan
naman ito ng isang matibay na kaisipang teoretikal para sa natural approach, na malaki ang impluwensya sa pagtuturo at
pagkatuto ng pangalawang wika.
Ang acquisition learning hypothesis(pagtatamo-pagkatuto).
Isinasaad ng haypotesis na ito na ang pagtatamo at pagkatuto ay
dalawang magkahiwalay na proseso sa pagiging dalubhasa sa wika. Ang pagkatuto
ay “kaalaman tungkol” sa wika.
Ang natural order hypothesis.
Ayon sa haypotesis na ito, may mga tuntuning pangwika na mas naunang natamo
kaysa sa iba. Nananalig din ito sa paniniwalang may likas na sinusunod sa
natural na order ang bata sa pagtatamo ng wika.
Ang monitor hypothesis. Malinaw
na isinasaad ng haypotesis na ito ang ugnayan ng pagtatamo at pagkatuto ng
wika. Sa tulong ng kaisipang Monitor ni Krashen, napag-ibayo ang kalakaran sa
pagtuturo ng wika sa pamamagitan ng paglalaan ng isang language-rich
environment na makapagpapadali sa natural o likas na pagkatuto nito.
Ang input hypothesis.
Naninindigan ang haypotesis na ito na ang wika ay natatamo sa isang prosesong
payak at totoong kamangha-mangha-kapag naunawaan natin ang mga mensahe. Ang
kahusayan ay mapauunlad kung patuloy na tatangkilikin ang mga sinasabi ni
Krashen na comprehensible input.
Ipinagpapalagay ni Krashen na ito ay input na maaaring ihalintulad sa
“caretaker speech,” anyo ng pagsasalita para sa mga batang bago pa lamang
nagsasalita na maririnig sa mga yaya
o caregiver. Ang caretaker speech (maikling pangungusap, madaling maintindihan,
kontrolado ang bokabularyo, iba’t-ibang paksa) ay nakapokus sa komunikasyon.
Ang affective filter hypothesis.
Ang hypothesis na ito ay may
kaugnayan sa mga baryabol na pandamdamin gaya ng pagkabahala, motibasyon, at
pagtitiwala sa sarili. Mahalaga ang kabatiran ukol dito dahil nagagawa ng mga
ito na mahadlangan ang mga input para gisingin ang Language Acquisition Device (LAD). Kung mahahadlangan ng affective filter ang ilan sa mga comprehensible input, maaaring kaunting
input lamang ang makapapasok sa LAD ng mag-aaral. Ang isang kontekstong affective at positibo ay nakapagpapataas
ng input.
MGA
GAWAING PAMPAGTUTURO NA UMAALINSUNOD SA MONITOR MODEL
Isang maikling buod ni Krashen ay
ang pananalig na matatamo ang mga istrukturang pangwika (W1 o W2) sa isang
mahuhulaang pagsusunod-sunod kung may natatamong comprehensible input at kung mababa ang affective filters at maluwag na makakapasok ang input.
Pagtatamo
vs. Pagkatuto. Ang bahagyang komprehensyon at di-kumpletong pagsasalita ay
tinatanggap.
Natural Order. Inaasahang
tatanggapin ng mga guro na ang pagbubuo sa isipan ng mga pangungusap ay hindi
nagsisimula sa payak patungo sa mas kompleks na mga pangungusap.
Monitor.Maaaring maglaan ng mga
karagdagang pantulong sa pamamagitan ng mga mungkahi o tuwirang tuntuning
gramatikal.
Comprehensible Input. Ang pinagaang
wika gaya ng caretaker speech ay
maaaring epektibo sa ibang mag-aaral.
ANG
PAGTUTURONG NAKAPOKUS SA MAG-AARAL
(LEARNER-CENTERED
TEACHING)
Ang pagtuturong nakapokus sa
mag-aaral ay gumagamit ng mga teknik na:
·
Nakapokus sa mga
pangangailangan, tunguhin, at istilo sap ag-aaral;
·
Nagbibigay ng ilang
pagkontrol sa mga mag-aaral (halimbawa: pangkatang gawain o pagsasanay)
·
Nakadaragdag ng pagtitiwala
sa sariling kakayahan at kagalingang pansarili;
·
At kurikulum na may
konsultasyon at isanasaalang-alang ang input ng mag-aaral at hindi itinatakda
kaagad-agad ang mga layunin.
Ang ganitong kalagayan sa loob ng klasrum ay nagbibigay
ng kamalayan na “maangkin” ng mga mag-aaral ang kanilang pagkatuto at nakadaragdag
sa kanilang intrinsic na motibasyon.
ANG
PAGKATUTO NA TULONG-TULONG
(COOPERATIVE
LEARNING)
Ang isang klasrum na
kooperatib-samakatuwid ay hindi pagalingan o paligsahan kaugnay ng mga
katangian ng pagkatutong nakapokus sa mag-aaral. Ang mga mag-aaral ay isang
“koponan” na ang layunin ng bawat manlalaro ay mapagtagumpayan ang anumang
itinakdang gawain.
Dagdag na konotasyon ng “kooperatib”
ay ang pagbibigay diin nito sa sama-samang (collaborative)
pagsisikap ng guro at mag-aaral upang matamo ang mga itinakdang layunin.
ANG
PAGKATUTONG INTERAKTIB
(INTERACTIVE
LEARNING)
Mapadadali ang paggamit ng wika kung
ang pansin ay nakapokus sa pagbibigay at pagtanggap awtentikong mensahe
(mensaheng taglay ang impormasyong kawili-wili sa nagsasalita at tagapakinig).
Ayon kay Wells, ang palitang-salita ang siyang pangunahing yunit ng dikors. Ang
interaksyong panlinggwistika ay isang sama-samang gawain na nangangailangan ng
triyadikong pag-uugnayan ng nagpapadala (sender),
tagatanggap (receiver), at ng
konteksto ng sitwasyon sa isang komunikasyong pasalita o pasulat man.
Karaniwang makikita sa isang klaseng
interaktib ang mga sumusunod:
·
Madalas ang mga gawaing
dalawahan o pangkatan
·
Paggamit ng mga awentikong
wika bilang input sa konteksto ng tunay na paggamit nito.
·
Paglikha ng mga tunay na
wika para sa makabuluhang komunikasyon
·
Pagsasagawa ng mga gawaing
pangklasrum bilang paghahanda para sa aktwal na paggamit ng wika sa “labas”
·
Pagpapasulat na totoo ang
target na awdyens
ANG
WHOLE LANGUAGE EDUCATION
Ang katawagang ito ay bunga ng mga
pananaliksik sa pagbasa at ginagamit upang bigyang-diin a) ang “kabuuan” ng
wika laban sa pananaw na pagbabahagi ng wika sa mga maliliit nitong element
gaya ng ponema, morpema, at sintaks; b) ang interaksyon at pag-uugnayin sa pagitan
ng pasalitang wika (pakikinig at pagsasalita) at wikang pasulat (pagbasa at
pasulat); at c) ang kahalagahan ng alituntunin sa pagsulat na ito’y likas at
umuunlad, na katulad din ng alituntuning pasalita.
Ang whole language ay isang leybel na ginagamit upang mailarawan ang:
·
Tulong-tulong na pagkatuto
·
Pagkatutong partisipatori
·
Pagkatutong nakapokus sa
mag-aaral
·
Integrasyon ng “apat na
kasanayan”
·
Paggamit ng mga awtentiko at
natural na wika
CONTENT-CENTERED
EDUCATION
Ayon kina Brinton, Snow, at
Weshe (1989), ang content-centered
education ay ang integrasyon ng mga pagkatuto ng mga nilalaman sa mga
layunin ng pagtuturo ng wika.
ANG
PAGKATUTONG TASK-BASED
Ayon kay Micheal Breen (1987), ang task ay alinmang binalangkas na
pagkatutong pangwika na may tiyak na layunin, nilalaman, paraan, at mga
inaasahang matatamo ng mga magsasagawa ng task.
ANG
BRAIN-BASED LEARNING
Sa ganitong kalagayan, marapat sigurong alamin natin ang
mga teoryang neurofunctional at ang
pagtatangka nitong ipaliwanag ang koneksyon sa pagitan ng tungkulin ng wika at neuroanatomy-para matukoy hangga’t
maaari kung aling mga bahagi ng utak ang may tungkulin para gumana ang wika sa
pakikipagtalastasan.
Inilahad sa talahanayan sa ibaba ang mga simulain hinggil
sa brain-based learning (Caine at
Caine, 1991) at naglaan ito ng paraan kung paano ilalapat ang ilang kaalaman sa
utak sa pagtuturo ng wika.
MGA
SIMULAIN AT IMPLIKASYON SA PAGTUTURONG BRAIN-BASED
Simulain
|
Mga Implikasyong Pampagtuturo
|
1.Nagagawa
ng utak na makapagproseso nang maramihan at sabay-sabay.
|
Ang mga
karanasan sa pagkatuto ay kailangang maiplano nang mabuti (orchestrated) upang mapakilos at
maisangkot ang maraming bahagi ng utak.
|
2.Kasangkot
sa anumang pagkatuto ang kabuuan ng ating physiology (katawan at mga bahagi
nito).
|
Dapat
isaalang-alang ang nutrisyon, ehersisyo, labis na pagkabahala, at kahandaan
ng mag-aaral sa anumang okasyon ng pagtuturo at pagkatuto.
|
3.Ang
paghahanap at pagbuo ng kahulugan ay likas sa tao.
|
Ang
anumang pagkatuto sa wika ay kailangang maglaan ng kapanatagan at
pagpapalayag-loob bukod pa na tumutugon ito sa kawilihan at pagkamausisa ng
mga mag-aaral.
|
4.Ang
utak ay nakadisenyo upang makapaghulo at makalikha ng mga larawan.
|
Ang
ideyal at mabisang proseso ng pagtuturo ay naglalahad ng mga impormasyon sa
paraang magagawa ng utak na makahugot ng mga hulwaran at aktibong makalikha
ng pagpapakahulugan.
|
5.Ang
mga emosyon ay mahalaga sa memorya.
|
Kinakailangang
suportahan ng anumang pagtuturo ang kaligirang kabatiran ng mag-aaral at ang
kanyang taglay na wika.
|
6.Sabay-sabay
na pinoproseso ng utak ang mga bahagi at kabuuan ng isang kaisipan.
|
Ang mga
kasanayang pangwika gaya ng balarila at talasalitaan ay lubusang natutuhan sa
isang awtentikong kaligirang pangwika (paglutas ng suliranin, pagtatalo sa
isang isyu, pagtuklas).
|
7.Kasangkot
sa pagkatuto ang atensyong may tiyak na pokus at mga pang-unawa sa
kapaligiran kaugnay nito.
|
Ang
musika, sining, at iba pang mga katulad na pampasigla sa ating kaligiran ay
maaaring makaragdagat makaimpluwensya sa likas na pagtatamo ng wika.
|
8.Ang
di-malay at may malay na pagpoproseso ng isip ay lagging kasangkot sa anumang
pagkatuto.
|
Kailangang
bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na balik-aralan ang anumang pagkatuto
upang mapag-isipan itong mabuti, at mapamahalaan nang maayos ang paglinang ng
sariling pagkatuto.
|
9.Tinatayang
may dalawang uri ng memorya: ang memoryang spatial at ang memoryang rote.
|
Gamitin
ang rote learning system sa mga teknik sa pagtuturo na nakapokus sa
pagsasaulo ng mga salita at mga tuntuning panggramatika samantalang sa mga
pagtuturong kailangang isangkot ang mag-aaral sa pagbabahagi ng naiibang
karanasan.
|
10.Nagiging
mabisa ang pagkatuto kung ang mga kaalaman at kasanayan ay nakapaloob sa
likas na memoryang spatial.
|
Ang
isa-sa-isang paglinang ng mga kasanayang pangwika ay lubos na matututuhan
kung nakatutok sa mga gawain at karanasang awtentiko (lakbay-aral,
pagtatanghal, dula, kwento, at iba pa).
|
11.Ang
pagkatuto ay napasisigla ng mga hamon at nahahadlangan ng pagbabanta at
pananakot.
|
Dapat
sikapin ng guro na ang kanyang klasrum ay kaaya-aya at walang anumang
palatandaan ng panankot a mayaman sa mga hamong pang-isipan.
|
12.Bukod-tangi
ang bawat utak.
|
Ang mga
teknik sa pagtuturo ay kailangang marami at magkakaiba.
|
MUNGKAHING
GAWAIN
Pangalan: Petsa:
Kurso: Iskor:
|
Gumawa ng isang pagtatanghal na kung saan ipapakita ng
mag-aaral kung ano ang mga teorya ayon sa kanilang pagkakaintidi. Maaaring pagkanta, pagsasadula, pagtula at
pagguhit ng mga larawan nagpapakita sa mga teorya.
PAGSASANAY
Pangalan: Petsa:
Kurso: Iskor:
|
Bilugan ang tamang sagot.
1. Sino ang pilosopo na nakatukoy ng walong
klasipikasyon ng maga salita?
a. Dionysius Thrax
b. Skinner
c. Chomsky
d. Plato
2. Anong aklat ang sumikat at ginawang modelo sa
pag-aaral ng mga balarilag Latin at Griyego?
a. The art of language
b. The art of Africans
c. The art of grammar
d. The art of Noah
3. Ito ay pangongopya mula sa salitang Latin,
nalimitahan paano dapat gingamit ang wika?
a. Descriptive linguistic
b. Prescriptive grammar
c. Descriptive language
d. Prescriptive linguistic
4. Ano any ibig sabihin ng ALM?
a. Audio-language method
b. Audio-lingual method
c. Audio-linguistic method
d. Audio-logical method
5. Ano ang kahulugan ng acronym na Ito LAD?
a. Language Acquisition Device
b. Linguistic Acquisition device
c. Language of association device
d. Linguistic of association device
6. Sino ang nagbigay diin at nagpatibay sa
nilalaman ng teoryang behaviorism?
a. Skinner
d. Plato
c. Chomsky
d. Watson
7. Isa sa mga teorya na ngabibigay diin sa
kahalagahan ng mga salik na pandamdamin at emosyunal?
a. Teoryang makatao
b. Teoryang behaviorism
c. Teoryang cognitive
d.
Teoyang innatism
8. Ito ay teoryang na ang pagkatuto at batay sa
paniniwalang lahat ng bata at ipinanganakna may likas na talino sa pagkatuto ng
wika?
a. Teoryang makatao
b. Teoryang behaviorism
c. Teoryang cognitive
d. Teoyang innatism
9. Ito at teryang na nagbibigay diin na ang bata
at ipinanganak na may kakayahan sa pagkatuto at ang kanilang gawi?
a. Teoryang makatao
b. Teoryang behaviorism
c. Teoryang cognitive
d. Teoyang innatism
10. Ito at teoryang na ang pagkatuto ng wika ay
isang processing dinamiko kung saan ang pag-aaral ng wika ay palaging
nangangailangan mag-isip at gawaing may saysay o kabuluhan?
a. Teoryang makatao
b. Teoryang behaviorism
c. Teoryang cognitive
d. Teoyang innatism
11. Teorya ni Krashen, nagpapahayag na ang
tuntuning pangwika at natatamo sa isang mahuhulaang pagkakasunod-sunod?
a. Natural order hypothesis
b. Monitor hypothesis
c. Affective filter hypothesis
d. Input hypothesis
12. Ito at nagpapaliwanag hinggil sa mga sagabal
na pag-isipan at pandamdamin para sa ganap na pagtatamo ng wika?
a. Natural order hypothesis
b. Monitor hypothesis
c. Affective filter hypothesis
d. Input hypothesis
13. Ito ay nagpapahayag din na ang mga wika at
natatamo sa isang paraan lamang- sa pag-unawa ng mensahe?
a. Acquisition learning
hypothesis
b. Monitor hypothesis
c. Affective filter hypothesis
d. Input hypothesis
14. Ito aynagpapakita ng kaibahan sa pagtatamo at
sa pagkatuto?
a. Acquisition learning
hypothesis
b. Monitor hypothesis
c. Affective filter hypothesis
d. Input hypothesis
15. Ito ay mapadadali ang paggamit ng wika kung
ang pansin at nakapokus sa pagbibigay at pagtangap ng awtentikong mensahe?
a. Pagkatutong interaktib
b. Whole language education
c. Pagkatutong task-based
d. Brain-based learning
16. Ito ay binabalangkas na pagkatutong pangwika
na may tiyak na layunin, nilalaman, paraan at mga inaasahang matatamo?
a. Pagkatutong interaktib
b. Whole language education
c. Pagkatutong task-based
d. Brain-based learning
17. Ito ay ang integrasyon ng mga pagkatuto ng
mga nilalaman sa mga layunin ng pagkatuturo ng wika?
a. Content-centered education
b. Whole language education
c. Pagkatutong task-based
d. Whole language education
18. Ito ay ginagabayan ng guro sa pagkatuto sa
pamamagitan ng ilang tiyak na halimbawa?
a. Dulog na pasaklaw
b. Dulog na pabuod
c. wala sa nabanggit
d. A at B
19. Ito ay kabaliktaran, kung saan na di
ginagabayan ng guro sa pagkatuto?
a. Dulog na pasaklaw
b. Dulog na pabuod
c. wala sa nabanggit
d. A at B
20. Ito ang panahon kung saan nagsimula ang ang
pagtatalo ng mga pilosopong Griyego hinggil sa kalikasan ng wika na sinasalita
ng mga tao?
a. Ikaapat na siglo
b. Ikalimang siglo
c. Ikaanim na siglo
d. Ikapitong siglo
MGA SAGOT:
PAGSASANAY
1.
A
2.
C
3.
B
4.
B
5.
A
6.
A
7.
A
8.
D
9.
B
10.
C
11.
A
12.
C
13.
B
14.
A
15.
A
16.
C
17.
A
18.
B
19.
A
20.
A
Diba po nasa libro yan ni sir Paquito Badayos na Metodolohiya?
ReplyDelete